Book1: Chapter 3
“FRIEND, ano ba naman `yang pinsan mo? Wala man lang pakiramdam. Magdadalawang taon na nga akong nagpaparamdam ng pagsinta ko sa kanya, wa epek pa rin,” ani Jennifer sa kaibigang si Rachel.
“Paano, bato naman yata `yang sinisinta mo,” nakangising sabad ni Azinnett.
Nasa ladies room silang tatlong magkakaibigan, nagpapaganda habang nagtsitsismisan. Araw-araw ay ganoon ang routine nila, pagkatapos mananghalian ay deretso sila sa comfort room. Iyon ang lugar na nagsisilbing parlor nilang tatlo.
“Pinsan ko lang si Ryan at hindi ko hawak ang puso niya, kaya hindi ko masasagot ang tanong mong `yan,” tugon ni Rachel pagkatapos nitong maglagay ng clear mascara. “Ang tanging magagawa ko na lang para sa `yo ay ang suportahan ang pagsinta mo sa kanya.”
“Parang gusto ko na yatang sumuko,” malungkot na sabi niya.
“Loka!” duwetong asik ng dalawa sa kanya.
“Ngayon mo pa naisip `yan? Todo na ang effort na ibinuhos mo,” ani Rachel.
Wala naman talaga siyang planong isuko ang pag-ibig niya para kay Ryan. Pero kahit kasi isang tingin lang nito sa kanya ay hindi niya mahagip—puwera na lang siguro kung talagang kailangan at wala itong choice. Hindi na kasi niya alam kung ano pa ba ang dapat niyang gawin, mapansin lamang siya nito.
Araw-araw, tuwing makakasalubong niya si Ryan ay todo ang ngiting ibinibigay niya rito. Minsan nga, pakiramdam niya ay nagmumukha na siyang lukring sa kakangiti rito. Iyon marahil ang dahilan kung bakit hindi siya nito ginagantihan ng ngiti.
Officer si Ryan ng student organization ng school nila na nagbabantay sa tapat ng gate tuwing umaga para sitahin ang mga estudyante na incomplete sa uniform at walang ID. Kaya kapag ito ang nakatoka sa pagbabantay ay sinasadya niyang alisin ang ID o kaya ay ang necktie niya upang sitahin siya nito at tapunan ng atensiyon. Subalit hindi rin umeepekto iyon. Minsan nga ay naulinigan pa niya ang sinabi nito sa kasama nito nang hindi siya nito sinita dahil hindi niya suot ang kanyang ID.
“Complete `yon. Mamaya niya isusuot ang ID niya kapag nasa classroom na siya.”
Mukhang alam ni Ryan na sinasadya niya ang mga ginagawa niya mapansin lamang siya nito.
“Ayoko na talaga. Suko na ako,” deklara niya.
“Ano ka ba naman? Ngayon ka pa ba susuko?” nababahalang pigil ni Rachel sa sinabi niya. “Malapit na ang JS prom. Dapat nga, mas todo effort kang magpapansin sa kanya para ikaw ang yayain niyang ka-date.”
“Wala na akong care sa prom na `yan,” bale-walang sabi niya.
“Sigurado ka?” nananantiyang tanong pa ni Rachel.
“O-oo… Yata? Ah, basta! Kakalimutan ko na ang pagsinta ko sa kanya. Tara na nga,” yaya niya sa mga ito at naglakad na siya palabas ng comfort room. Napansin niyang umiiling-iling na lang na sumunod sa kanya ang mga kaibigan. Ngunit bigla rin siyang huminto sa paglalakad at umakmang babalik sa loob ng comfort room.
“O, bakit?” tanong ni Azinnett.
“Naiihi ako. Mauna na kayo. Hintayin n’yo na lang ako ro’n sa pathway.”
Tinanguan lang siya ng dalawa at pumasok na uli siya sa loob ng banyo. Palabas na siya ng comfort room nang masalubong niya si Ryan. Papunta marahil ito sa men’s room. Gayon na lamang ang pagririgodon ng puso niya pagkatapos mapansing ngiting-ngiti ito sa kanya. Nag-iba yata ang ihip ng hangin. Bakit bigla nitong naisipan na ngitian siya? Nadagdagan ba ang mga pabrika na nagbubuga ng masamang usok sa lugar nila at naapektuhan ang isip ng kanyang irog? Kung ganoon nga, aba, imumungkahi pa niya sa pamahalaan na magpatayo pa ng mga pabrika at nang lalong ma-pollute ang utak ng kanyang sinisinta.
“Hello, Ryan,” pasimpleng ikinaway niya ang kamay bilang pagbati rito. Ang guwapo mo talaga, my loves, honey bunch, honey bebe, honey ko. I love you na talaga.
Kinikilig nang todo ang puso niya habang inihahatid ng tanaw ang kanyang sinta. Hanggang makalagpas si Ryan sa kinatatayuan niya ay para pa rin siyang baliw na naglalakad at hindi mabura ang ngiti sa kanyang mga labi.
“Hoy! Jenny. Ayusin mo nga `yang palda mo. Nakasabit pa ang laylayan sa baywang mo, o!” hiyaw ni Rachel habang palapit ito sa kanya.
Tiningnan niya ang sinabi nito. Nakakahiya nga ang hitsura niya. Nakaangat ang laylayan ng palda niya at nakasabit iyon sa baywang niya.
Naalala niya ang eksena nila ni Ryan habang ngiting-ngiti ito sa kanya. Iyon ba ang dahilan ng pagngiti nito sa kanya? Kung ganoon nga…
“A—ah!” Inuntog niya ang ulo sa dingding ng pathway sa labas ng comfort room dahil sa sobrang kahihiyan. Hindi sa ganoong hitsura niya nais magpakita kay Ryan. Malamang ay lalo itong na-turn off sa kanya. Baka isipin pa nito na lousy mover siya.
“Ano ba’ng problema mo? Bakit ka sumisigaw riyan?” tanong ni Azinnett. Dinaluhan siya ng mga kaibigan.
“Hoy, bruha! Ano bang drama `yan, ha? Baka mabasag na ang bungo mo diyan kakaumpog mo sa sarili mo. Kung balak mo rin lang basagin `yan, magpatulong ka na lang sa amin.”
Hindi niya pinansin ang pang-aasar sa kanya ni Rachel at nagpatuloy pa rin siya sa ginagawa. Napilitan tuloy ang dalawa na pigilan siya.
“Si Ryan kasi… Nakakahiya!” sumbong niya sa mga kaibigan. Ikinuwento niya sa dalawa na nagkasalubong sila ni Ryan at ang naging reaksiyon nito sa nakitang hitsura niya. At ang dalawang bruha, sa halip na suportahan at pagaanin ang loob niya ay pinagtawanan pa siya ng mga ito.
NAKATAMBAY sina Jennifer at ang mga kaibigan niya sa tapat ng science building habang nagpapatila ng ulan. Uwian na at malakas pa rin ang buhos ng ulan.
“Ay! Nakalimutan ko may payong nga pala ako rito,” mayamaya ay bulalas ni Rachel at kinalkal ang mga gamit sa loob ng bag nito.
“`Buti na lang at may dala kang payong. Makakaalis na rin—”
“Oh my gollygawgaw! Si JD ko, nababasa ng ulan. Diyan muna kayo girls, ire-rescue ko lang ang Prince Charming ko.” Hindi pa man natatapos ni Azinnett ang sinasabi nito ay kumaripas na nang takbo si Rachel palayo sa kanila.
“Tingnan mo `tong babaeng `to. Inuna pa ang kuya ko kaysa sa atin na kaibigan niya,” ani Azinnett.
“Ganyan talaga, lumalandi ang heart ng friend natin, eh,” tugon niya kay Azinnett.
“Friend ba talaga natin ang babaeng `yon? Tama ba na iwan—” Biglang huminto si Azinnett sa pagsasalita nang mahagip nito ng tingin si Sean. “Ang aking prinsipe, here he comes,” patiling sumugod sa ulan si Azinnett at nakigulo sa mga babaeng kumukuyog kay Sean Cedric.
“Tama bang iwan ako ng mga kaibigan ko?” himutok niya habang pinagmamasdan niya ang dalawa niyang kaibigan na hindi magkamayaw sa paglapit sa mga prinsipe ng mga ito.
Napailing at napabuntong-hininga na lamang siya sa kanyang kinatatayuan. Iniangat niya ang kamay para alamin kung puwede nang sumugod sa ulan. Mayamaya ay nagpasya na siyang umalis dahil kung hindi pa siya kikilos ay gagabihin na siya sa pag-uwi. Baka maghuramentado pa ang mga magulang niya kung gabihin pa siya.
Ang tangka niyang pagsugod sa ulan ay hindi natuloy nang may isang kamay ang pumigil sa braso niya. Lumitaw ang isang pamilyar na payong sa harap niya. It was Ryan’s umbrella.
“R-Ryan?” Bigla niyang naalala ang tagpo nila sa comfort room kanina. Dala ng kahihiyan ay pumiksi siya mula rito.
“Huwag ka na ngang mag-inarte diyan. Umuulan, o. Alangan namang hayaan kitang sumugod kung puwede naman kitang isukob,” paangil na sabi nito sa kanya.
Nilingon niya ito. “Eh kasi… nahihiya ako sa `yo,” pag-amin niya.
“Bakit ka naman nahihiya?” nagtatakang tanong nito.
“Dahil doon sa hitsura ko kanina sa—”
“`Yon lang ba? Isipin mo na lang na hindi tayo nagkasalubong sa comfort room kanina para hindi ka na mailang sa akin,” nakangiting saad nito. Pero sa sinabi nitong iyon ay lalo siyang nakaramdam ng pagkapahiya rito.
How could she pretend that it didn’t happen when he was smiling from ear to ear as if she just reminded him of what happened this afternoon?
“Eh, bakit ka ngumingiti?” angil niya rito. Naramdaman niya ang pag-iinit ng mukha niya.
“Wala. It’s just that you’re so cute when you’re blushing.”
Grr… Nahalata na naman nito ang pagba-blush niya.
“Hindi kasi ganoon ang dating sa akin. It seems to me like you’re grinning because you’re thinking of—”
Hindi na niya naituloy ang sinasabi niya nang tumawa ito at inakbayan siya. “`Sabi ko sa `yo, huwag mo nang isipin `yon, `di ba?”
Ano ang nangyayari? Bakit bumait ito sa kanya?
“Tara na nga.”
Hindi pumalag si Jennifer nang iginiya na siya ni Ryan palabas ng gate ng kanilang eskuwelahan. At dahil medyo malakas pa rin ang ulan ay lalo pa siyang hinapit ni Ryan palapit sa katawan nito. Napangiti siya at isiniksik din ang sarili rito. Masarap sa pakiramdam niya ang nadaramang init na nagmumula sa katawan nito. Siguro ay dahil sa malamig na klima nang mga sandaling iyon. O baka dahil ganoon talaga ang reaksiyon ng isang tao kapag nalalapit sa taong mahal niya.
Masyado pa siyang nag-e-enjoy sa presensiya ni Ryan kaya parang nais niyang magprotesta nang pasakayin na siya nito sa tricycle. Kung puwede lang niyang hilingin na sana ay maging milya-milya ang layo ng terminal ng tricycle mula sa science building ay baka ilang beses na niya iyong hiniling sa nasa Itaas. Pero alam niyang imposible na iyong mangyari, dahil hayun na siya at nakasakay sa tricycle, palayo kay Ryan.
“MAY DATE ka na ba para sa Prom?” tanong kay Jennifer ng kaklase niyang si Taylor.
Kasalukuyan silang nagpa-practice para sa cotillion na sasayawin nila sa kanilang JS Prom sa makalawa.
“Wala pa,” matipid na tugon niya rito habang ang tingin ay nakatutok pa rin kina Ryan at sa babaeng kapareha nito.
Nagsisintir talaga siya dahil hindi si Ryan ang naging kapareha niya. Kasali rin kasi ito sa mga piling estudyante na magpe-present ng cotillion. Pero sa kasamaang-palad, by height ang naging pamantayan sa pagpili sa mga magkakapareha. Two inches lang ang tangkad ni Lucille sa kanya at maliit din naman ito para kay Ryan, pero si Lucille pa rin ang pinili ng choreographer na ipareha sa binata. Pakiramdam tuloy niya ay lalong wala na siyang pag-asa na makalapit kay Ryan. Dalawang buwan na lang at graduation na nila. Pero lahat yata ng effort na ginagawa niya, mapansin lang nito ay wala nang saysay.
“Puwede bang ako na lang ang date mo?”
Noon niya nilingon si Taylor. Guwapo rin ang mokong at hindi siya manhid para hindi maramdaman na noon pa ito may gusto sa kanya. Ibinuko ng isa nitong kaibigan ang damdamin nito para sa kanya. Subalit kahit anong pilit niyang ibaling dito ang damdamin niyang hindi rin naman pinapansin ni Ryan ay hindi pa rin niya makuhang gustuhin si Taylor. Isa lang talaga ang ipinagsisigawan ng nahihibang niyang puso—ang manhid na si Ryan.
“Kasi…”
Hindi talaga niya alam kung ano ang isasagot niya kay Taylor nang bigla uli itong magsalita.
“You have a day to think about it. Bukas mo na lang sabihin sa akin ang sagot mo,” putol nito sa sasabihin niya.
Sandali siyang nag-isip. Kung hindi pa niya tatanggapin si Taylor bilang date niya malamang na baka wala siyang ka-date sa prom night nila. Dahil ang taong inaasahan niyang magyayaya sa kanya bilang date ay imposible nang yayain pa siya. Kaya pagbibigyan na lang niya si Taylor kaysa naman mag-isa lang siya sa isa sa mga pinakaimportanteng okasyon na iyon sa buhay niya. Sina Azinnett at Rachel ay may mga date na rin sa prom. Sa kanilang tatlo ay siya na lang talaga ang wala. At masakit iyon sa beauty niya. Siya na hindi patatalo sa kagandahan ng mga kaibigan niya ang siya pang walang date? Aba, hindi naman yata makatarungan iyon. Kung ayaw sa kanya ni Ryan, eh, di huwag.
“Sige. Payag na ako,” sabi niya kay Taylor.
“Totoo?” parang hindi makapaniwalang pagkumpirma sa kanya nito.
“Oo nga. Ayaw mo yata, e. Gusto mong bawiin ko pa?” kunwari ay nakasimangot na sabi niya.
“Naku, hindi! Yayayain ba kita kung hindi ko gusto.”
Hindi na siya nagsalita at nag-focus na sa kanilang practice. Pero kahit ano yata ang gawin niyang pagfo-focus ay lumilipad pa rin ang pansin niya sa kung ano ang ginagawa ni Ryan.
Nakakainis naman kasi. Why can’t I take my eyes off you, Ryan? Kahit pa nga pakiramdam ko, nagdurugo na ang puso ko sa nakikita kong pagkakalingkis sa `yo ni Lucille.
Sa hindi malamang dahilan ni Jennifer ay nakita niyang lumingon si Ryan sa gawi niya. May ilang pagkakataon na nahuhuli niya itong nakatingin sa kanya. Subalit iba ang tingin nitong iyon sa kanya ngayon. Mas matagal at kakaiba, parang hinihigop ng mga mata nito ang kanyang kaluluwa. Kung ano man ang dahilan ng pagtitig nito sa kanya ay wala na siyang balak alamin pa. Ang importante sa kanya ay tinapunan siya nito ng atensiyon. Dahil lang doon, pakiramdam niya ay nagpi-fiesta na ang puso niya.
PAUWI na ang lahat galing sa final practice ng cotillion nang marinig ni Jennifer na parang may tumatawag sa pangalan niya. At parang kilala niya kung sino iyon hindi lang dahil sa boses nito kung hindi pati na rin sa pamilyar na pagwawala ng puso niya.
“Bakit?” tanong niya kay Ryan nang makalapit na ito sa kanya.
“Kung wala ka pang date para sa prom bukas, I’m free,” sabi nito.
Letse! Bakit ngayon mo lang ako niyaya? Nakakainis ka na, ha. Bakit ba kasi ngayon lang?! Gusto niya iyong ibulyaw sa pamumukha nito pero kawawa naman ang kaguwapuhan nito kung pauulanan lang niya ng kanyang laway.
“Kasi… Naman! May date na ako.” Ayaw sana niya iyong sabihin kay Ryan, pero magiging unfair siya kay Taylor kung iiwan niya ito sa ere. Sinabihan naman kasi siya nito na pag-isipan muna niya subalit bigla-bigla na lang din siyang nagdesisyon.
“Gano’n ba? Sige, enjoy your date.” Pagkasabi niyon ni Ryan ay mabilis na itong nawala sa paningin niya. Gusto tuloy niyang magduda kung seryoso ito sa ginawang pagyayaya sa kanya. Baka kasi ginu-good time lang siya nito. Bakit noon lang siya nito niyaya? Malamang ay alam nito na kahit siya ang last choice nitong yayain ay tatanggapin pa rin niya. At hindi niya naiwasang masaktan sa isiping iyon.
Habang pinagmamasdan niya ang papalayong pigura ni Ryan, na-realize niya na sa simula’t sapul ay malayo na talaga ito sa kanya. At hindi niya ito kayang habulin. Hanggang tanaw na lang siya rito. Kaya hindi na dapat siya magpatuloy na mahalin ang lalaki. At hindi na sana niya hinayaang patuloy na mahulog ang damdamin niya rito.
Prom Night
“KUNG ako sa `yo, friend, magtapat ka na ngayong gabi. Tutal, heart night naman ngayon,” suhestiyon ni Rachel kay Jennifer.
Pagkatapos ng cotillion presentation ay dumeretso silang tatlo nina Azinnett at Rachel sa comfort room para mag-retouch. Pagkatapos kasi ng presentation ng mga teacher ay magaganap na ang first dance.
“Bakit ko naman gagawin `yon? Siguradong mabibiyak lang ang puso ko,” nakasimangot na tanggi niya sa dalawa.
“Ano ka ba? `Di ba, sabi mo nga, niyaya ka niyang maging date? `Di mo lang tinanggap kasi may date ka na,” katwiran sa kanya ni Azinnett.
“If I know, kaya lang niya ako niyaya dahil wala na siyang ibang choice. Taken for granted lang talaga ako. Mabuti nga at may date na ako, naisalba ko ang pride ko,” aniya.
“Gaga! Walang niyaya si Ryan na i-date ngayong prom. Nagulat nga ako nang sabihin mong niyaya ka niya,” saad ni Rachel habang inaayos ang extended eyelashes nito.
Napaisip siya. Kung walang niyaya si Ryan na i-date ngayong gabi, ibig sabihin may pag-asa pa siya sa puso nito. Baka nga nakakalabog na rin niya ang pusong-bato nito.
Pinasilong siya nito sa payong nito noong umuulan. Sinabi rin nito na naku-cute-an ito sa kanya. Baka iyon ang paraan nito ng pagsasabing may pagtingin na rin ito sa kanya.
“Ano’ng gagawin ko, girls?” nagpa-panic na baling niya sa mga kaibigan. Nabuhayan uli siya ng pag-asa rito dahil sa mga naisip niya. Magtatapat na siya ng kanyang damdamin para kay Ryan. Hindi rin naman siya matatahimik kung pagkatapos ng mga huling sandali nila sa high school ay hindi pa rin niya nagawang magtapat ng damdamin niya rito. Wala naman sigurong masama kung siya ang unang magtatapat dito. Ano ang malay niya baka hinihintay lang din pala siya nito?
“May plano ako,” nakangising saad ni Rachel.
“Paano si Taylor?” tanong niya sa mga ito.
“Kami na ang bahala kay Taylor,” sabi ni Azinnnett.
LIMANG minuto lang na naghintay si Jennifer sa tabi ng fountain at namataan na niyang paparating sina Rachel at Azinnett bitbit si Ryan.
“Ano ba `to? Bakit ba ninyo ako dinala rito?” nagtatakang pinaglipat-lipat ni Ryan ang tingin nito sa kanilang tatlong magkakaibigan.
“Mag-uusap lang kayo ni Jenny,” si Rachel ang sumagot dito.
“Wala naman kaming dapat pag-usapan, ah. Tara na nga sa gym. Magsisimula na ang first dance.”
Nang umakmang tatalikod si Ryan ay bigla siyang nag-panic. She had to hold on to this chance. Dahil kung hindi ay baka tuluyan na siyang mawalan ng pag-asang makapagtapat ng damdamin niya rito.
“Wait, Ryan. May sasabihin ako,” pigil niya rito.
“See? Maiwan muna namin kayo. Baka hinahanap na ako ni Sean, my sweetheart,” paalam sa kanila ni Azinnett.
“Ako rin, baka maghagilap pa ng ibang babaeng isasayaw ang JD ko. Dito na muna kayong dalawa. Magsolo kayo diyan,” sabi naman ni Rachel.
“Hindi n’yo na kailangang umalis. Ano ba `yong napakaimportanteng sasabihin mo, Jennifer? Puwede mo namang sabihin kahit nandito sila,” ani Ryan.
Mababakas na ang pagkainis sa mukha nito dahil sa pinaggagagawa nilang tatlo. At kahit ganoon na nagpapakita na ito ng kagaspangan ng ugali ay hindi pa rin niya alam kung bakit hindi pa rin maalis ang pagkagusto niya rito. Ito pa rin ang isinisigaw ng puso niya.
“Mahirap kasi para kay Jenny na sabihin kung—”
“Ano ba’ng mahirap do’n? Sasabihin lang naman niya sa akin na gusto niya ako,” putol ni Ryan sa sasabihin ni Azinnett.
Napasinghap siya nang malakas at hindi niya alam kung magpapatuloy siyang makikipagtitigan kay Ryan o iiiwas na niya ang tingin palayo rito. Pinili niya ang huli dahil hindi na niya kayang salubungin pa ang mga titig nito.
“Hindi naman ako manhid, Jennifer. Third year pa lang tayo, alam ko na ang dahilan ng pakikipaglapit mo sa akin. But I think you’re not that dumb to notice that I don’t have anything to do with your feelings for me.”
Pakiramdam ni Jennifer ay paulit-ulit siyang sinampal dahil sa sakit ng mga sinabi nito. Tama naman ito. But she couldn’t get used to his bluntness. Hindi man lang siya nito dinahan-dahan. Kunsabagay, mukhang naiinis na ito dahil sa kaartehan ng pakulo nilang magkakaibigan.
Napalunok muna siya, saka ito tiningnan nang deretso sa mga mata. Wala na siyang pakialam kung hindi man niya magawang itago rito ang sakit na nararamdaman niya. After all, she was just a girl who had definitely fallen in love with the guy who refused to accept her love.
“I’m sorry. Naabala ka pa namin, pasensiya na talaga.” Pumiyok siya sa huling salitang binitiwan niya. Kaya bago pa makapagbigay ng reaksiyon ang kahit na sino sa kanila ay pinili niyang kumaripas na ng takbo. Alam niyang hinahabol siya ng mga kaibigan niya. Naririnig niya ang pagtawag ng mga ito sa pangalan niya, subalit hindi na siya nagtangkang lingunin pa ang mga ito. Nagpatuloy lang siya sa pagtakbo. At sa kakatakbo niya ay hindi na niya napansin na may tao palang nakaharang sa daraanan niya at nabunggo niya ito. Madilim kasi sa lugar na iyon.
“Jennifer, I’m sorry. I don’t mean to be rude, it’s just that…”
Nagulat siya nang mabosesan niya kung sino ang nagsalitang iyon? Paanong nahabol agad siya ni Ryan? Bakit pa siya nito hinabol? Hindi ba nasabi na nito ang nais nitong sabihin? Gusto pa ba nitong ipagdiinan sa harap niya ang napakalaking kahihiyan na pinaggagagawa niya sa loob ng dalawang taon?
“You’re blocking my way, Ryan,” mahina at sa pinakamalamig na boses na saad niya.
“Listen to me first. Hindi kita gustong saktan. Ayoko lang na bigyan ka pa ng pag-asa dahil—”
“Dahil hindi mo ako gusto at hindi mo ako magugustuhan kahit kailan,” putol niya sa sinasabi nito. Hindi na niya napigilan ang kanyang mga luha. Nasasaktan pa rin siya kahit sa kanya na nagmula ang mga salitang iyon. Na kailanman ay hindi siya nito magugustuhan.
“Jen, napakaraming lalaki na puwedeng magkagusto sa `yo. You’re nice. Nagkataon lang na hindi ako `yon.”
“Naiintindihan ko na at hindi mo naman kailangang ipagdiinan pa. Isa pa, hindi ko naman hinihiling na gustuhin mo rin ako. I just want you to know that I like you and just… deal with it. Ang hirap lang din kasi na sinosolo ko ang damdamin ko. Hindi ako maramot kaya ishini-share ko `yon sa `yo.” Idinaan na lamang niya sa biro ang sakit na nadarama. Dahil hindi niya gustong patuloy na makita ang awa sa mga mata nito.
“Jen…” Bumuntong-hininga ito at saka marahang pinahid ang kanyang mga luha. “I have to admit, you’re special to me. I feel happy and alive whenever we’re together. But…” Bumuntong-hininga uli ito. “May nagugustuhan na kasi akong iba kaya dineretso na kita bago mo pa sabihin ang matagal nang halatang damdamin mo para sa akin. Ayokong saktan ka, pero ayoko rin na magpatuloy pa ang kung anumang nararamdaman mo sa akin.
“She’s a bit older than you and you have things in common. Kaya minsan, hindi ko mapigilan ang sarili ko na titigan ka. At hindi ko naman akalain na mabibigyan mo iyon ng ibang kahulugan. I’m sorry, it was my fault. Kasalanan ko, pasensiya ka na. You deserve someone better than an inconsiderate fool like me.”
“S-sino?” Pakiramdam niya ay napakatanga niya dahil pati ang kaunting enerhiya na natitira sa kanya ay ginamit pa niya sa pagtatanong kung sino ang babaeng gusto nito na alam niyang lalong ikawawasak ng puso niya.
“Wala siya rito sa campus kaya hindi mo siya makikilala kahit sabihin ko pa sa `yo.”
Kaya pala wala siyang nakikitang pinopormahan nito, dahil wala sa school nila ang babaeng gusto nito. Kung nalaman lang sana niya nang mas maaga, hindi na sana nagpakalunod ang puso niya rito.
He reached out for her and hugged so tightly she could no longer flinch. Huling beses na hahayaan niya ang sarili na magpakagaga sa lalaking ito. Para naman kahit paano at kahit sa huling sandali ay maramdaman niya ang presensiya ng lalaking napakahalaga sa kanya. And then she realized their body were already swaying to music. Kahit paano ay natupad pa rin ang kahilingan niya. She was dancing her first dance with the guy she truly loved.
