Library
English
Chapters
Settings

Book1: Chapter 2

“I GLADLY nominate,Ryan Mercado for escort,” pahayag ni Jennifer sa harap ng mga kaklase sa 4 A class.

Unang linggo ng pasukan at kasalukuyan silang naghahalal ng class officers nila. Siyempre, hinding-hindi siya makakapayag na matalo ang kanyang pinakaiirog na si Ryan Mercado. Third year high school sila nang una niya itong mapansin habang gumagawa sila ng group activity sa Chemistry. Nag-e-experiment sila nang araw na iyon at muntik na niyang mabitiwan ang test tube na naka-assign sa kanya. Mabuti na lamang at mabilis kumilos si Ryan. Nasalo nito ang test tube at ibinalik sa kanya. Pinalis pa nito sa kanyang mukha ang ilang hibla ng buhok na nililipad ng hangin mula sa ceiling fan. Mula nang araw na iyon ay hindi na niya ito nakalimutan. Sa tuwina, palagi niyang tinitiyak na magiging magkagrupo sila sa lahat ng projects at activities nila sa classroom. Tuwing pabibilangin na sila ng teacher nila para sa groupings, binibilang na agad niya kung ano ang magiging grupo nito at saka siya kukuha ng puwesto upang maging magkagrupo sila. Minsan naman ay nakikiusap siya sa mga kaklase nila upang makipagpalit sa kanya ng grupo, makasama lang niya ito. Subalit sa lahat ng pagkakataong iyon, ni minsan ay hindi siya nito pinag-ukulan ng pansin. Bale-wala lang dito ang mga pinaggagagawa niya mapansin lang siya nito. Ayos lang naman iyon sa kanya, ang mahalaga ay wala itong nililigawan sa napakaraming babae sa campus nila na nahihibang dito. May-pagkasuplado kasi si Ryan kaya talagang mahirap sungkitin ang puso nito.

“I second the motion,” segunda agad ni Rachel upang wala nang makapaghain ng objection.

Wala nang sino man ang nagtangka na magpasok pa ng nominasyon kaya awtomatikong ito ang nahalal bilang escort. At dahil silently proclaimed na yata ang damdamin niya para kay Ryan sa klase nila ay nagkaisa ang mga kaklase niya na ihalal siya bilang muse. Siyempre, masayang-saya siya sa ginawa ng mga ito. Sa lahat kasi ng programs sa school na nangangailangan ng magkaparehang representatives ng klase ay parating sila ni Ryan ang representative ng kanilang klase. Ang dami tuloy niyang souvenir pictures dito.

“NASAAN na naman si Azi?” pukaw ni Jennifer kay Rachel. Nasa canteen sila at kasalukuyang nagme-merienda.

“Nasa library,” bale-walang tugon ni Rachel sa kanya sabay kagat sa cheesecake na binili nito. Minsan talaga, hindi niya mapaniwalaan ang katakawan ng kaibigan niya.

“Bago `yan, ah? Kailan pa natutong pumasok ni Azinnett sa library?” nagtatakang komento niya. Sa pagkakaalam niya, mas gustong pumunta ni Azinnett sa photography room sa college department kaysa ang pumunta sa library.

“Since that gray-eyed guy walked in front of her,” sagot ni Rachel na nasa pagkain pa rin ang atensiyon.

“Who?” naku-curious na tanong niya.

“Sean Cedric de Asis.”

Kilala na niya kung sino ang tinutukoy nito. Si Sean ay ang Swedish-Filipino guy na nag-transfer sa eskuwelahan nila nang taong iyon. Naging maingay agad ang pangalan ni Sean dahil sa taglay nitong kaguwapuhan. Nakadagdag pa sa features nito ang pagkakaroon nito ng dugong-banyaga, pure Swedish ang ama nito. At dahil minsan lang magkaroon ng half Sweddish-half Filipino sa eskuwelahan nila ay talagang pinagkakaguluhan ito, lalo na ng mga babaeng estudyante.

“Paano nagpang-abot ang alikabok na si Azinnett at ang prinsipe na hindi yata sumasayad ang mga paa sa lupa?” nagtataka pa ring tanong niya. Mayaman si Sean Cedric, palagi itong may kasamang tagasilbi at bodyguard mula noong kuyugin ito ng mga babaeng estudyante sa paaralan nila.

“Aba, malay ko! Siya na lang ang tanungin mo,” tugon nito habang patuloy pa rin ito sa pagkain. Ang pasta na ang nilalantakan nito. Hindi na siya nagtaka nang mayamaya lamang ay nabilaukan ito sa dami ng pagkaing isinubo nito.

“`Ayan kasi, ang takaw-takaw mo,” bale-walang sabi niya rito. Pero nag-panic agad siya nang makitang nahihirapan na itong huminga, kaya agad siyang naghagilap ng tubig na maiinom ng kaibigan. Subalit bago pa man siya makahagilap ng tubig ay nasa harap na nito si Justin Drew—kapatid ng kaibigan nilang si Azinnett na naging ka-year level nila dahil huminto ito sa pag-aaral—na nag-abot ng isang basong tubig kay Rachel.

Matagal nang alam ni Jennifer na luka-luka ang kaibigan niya pero bakit nang mga sandaling iyon ay tila sumobra na yata ang sayad nito sa utak? Dahil hayun ito at ngiting-ngiti kay JD. Ni hindi nito alintana ang kumalat na sauce ng pasta sa nguso nito. Binato niya ito ng tissue paper na hindi niya alam kung kaninong tray niya nakuha. Nang lumingon sa kanya si Rachel ay agad niya itong sinenyasan na punasan nito ang nguso. Haharapin na sana niya ang may-ari ng tray na kinuhaan niya ng tissue paper upang magpasalamat. Pero napatanga siya sa lalaki na nasa harap niya. Si Ryan! OMG! Ito ba ang napagkuhaan niya ng tissue paper?

“H-hi!” nauutal na bati niya rito.

Pinagtaasan lang siya nito ng isang kilay. “You’re blocking my way.”

“Ah, oo nga pala, sorry.” Gumilid siya para makadaan ito. “Dumaan ka na…” Aking prinsipe.

Napabuntong-hininga na lamang si Jennifer pagkadaan ni Ryan sa tapat niya. Ang guwapo-guwapo mo talaga, mahal ko. Napakasimpatiko mo pa! Hay!

Magpapatuloy pa sana siya sa pangangarap nang gising nang mapansin niyang nakakunot ang noo ng mahal niya habang nagpalinga-linga ito sa loob ng canteen. Marahil ay naghahanap ito ng bakanteng mesa na maookupa nito.

Nilingon niya ang mesa nila ni Rachel. Wala na roon ang kaibigan niya. Nilayasan na siya nito nang hindi man lang nagpapaalam. Pero okay lang iyon sa kanya dahil puwede niyang yayain doon si Ryan.

“Yo! Ryan!” tawag niya sa pansin nito. Lumingon agad ito sa kanya. Napigil niya ang paghinga nang makita uli niya ang guwapo nitong mukha. Pakiramdam niya ay aatakehin siya sa puso kahit wala naman siyang sakit sa puso dahil sa tindi ng pagririgodon niyon sa kanyang dibdib.

Lumingon ka lang, nandito ako lagi sa tabi mo… Lumingon ka lang…

“Dito ka na lang sa table namin ng pinsan mo. Nilayasan na niya ako, eh,” yaya niya rito.

Napansin niyang tila nagdadalawang-isip pa ito kung pauunlakan siya o hindi. Pero hindi na niya ito binigyan ng pagkakataong tumanggi. Kinuha niya ang tray nito at dinala iyon sa mesa niya.

“Huwag ka nang mahiya sa akin. Ako lang naman ito, kapalan mo na lang ang mukha mo,” nakangiting sabi niya.

Hindi na ito umimik pero nakangiting sumunod na ito sa kanya. Dahil sa pagngiti nitong iyon ay muling nagrambulan ang mga kung ano sa loob ng dibdib niya. Minsan, pakiwari niya ay normal na ang ganoong pakiramdam kapag nasa paligid niya ito. Ganoon kasi palagi ang reaksiyon ng sistema niya kapag si Ryan na ang sangkot.

Pareho silang tahimik habang kumakain ng merienda nila. Pero dahil likas sa kanya ang pagiging madaldal ay hindi niya napigilang magbukas ng usapan.

“Ryan?”

Bahagya siyang nilingon nito. “Bakit?”

“Kumusta na `yong mga ticket mo? Nakarami ka na ba?” Ang tinutukoy niya ay ang mga ticket na kailangan nilang ibenta para sa gaganapin na Mister and Miss Campus. Dahil sila ang muse at escort ng klase nila ay sila ang representatives para sa gaganaping event. Popularity contest iyon, paramihan sila ng maibebentang ticket.

“Okay naman. Ikaw, kumusta?”

Kinukumusta niya ako?! Parang nais magtitili ng animo ay kinikiliting puso niya.

“Ikaw naman! Araw-araw naman tayong nagkikita, at kita mo naman na okay na okay ako,” malapad ang ngiting tugon niya rito.

“`Yong ticket mo ang kinukumusta ko. Baka makulelat ka sa final counting kung hindi mo sineseryoso ang pagbebenta.”

“Ah…” tanging nasabi niya.

“Ayusin mo ang pagbebenta mo para hindi mapahiya ang klase natin,” sabi pa nito at nagpatuloy na sa pagkain.

Sa ilang sandali ay tila bigla siyang nakaisip ng isang win-win idea. “Kung tulungan mo kaya ako, Ryan? `Tapos, tutulungan din kita sa ticket mo.”

“Ano?!” Tila naguluhan ito sa suhestiyon niya.

“Sabay na lang tayong magbenta ng mga ticket natin sa mga kakilala natin,” paglilinaw niya rito.

Sandali itong tila nag-isip. “Sige,” mayamaya ay pagpayag nito sa suhestiyon niya.

Pakiramdam niya ay namilog ang mga mata niya sa sobrang tuwa dahil pumayag ito. “Talaga? Talagang-talaga?” tanong pa niya rito. Napalakas yata ang boses niya sa sobrang excitement at kasiyahan dahil napalingon ang ibang mga estudyante sa kanila.

“Oo. At huwag ka ngang maingay riyan. Baka kung ano pang isipin ng mga estudyante rito,” saway nito sa kanya.

“Sorry naman,” aniya, saka nag-peace sign dito.

Umiling-iling na lamang sa kanya si Ryan at masaya siyang nagpatuloy sa kanyang pagkain.

“PAWIS NA PAWIS ka na, Ryan,” puna ni Jennifer at kinuha ang panyo sa loob ng bag niya, saka pinunasan ang pawisang-noo ni Ryan.

Papunta sila sa isang subdivision sa Rizal kung saan nakatira ang mga kamag-anak daw nito. Dahil napagkasunduan nilang magtulungan sa pagbebenta ng ticket para sa nalalapit na last counting, ipinasya nilang sa araw na iyon ng Sabado ay lilibutin nila ang mga kamag-anak nila upang aluking bumili ng mga ticket nila. At marami-rami na rin ang naibenta nila.

“Ayos lang ako. Normal na magpawis dahil mainit ang panahon,” anito, saka inagaw ang panyo sa kanya. Nagulat siya nang ilapat nito sa kanyang noo ang hawak na panyo. “Pawisan ka na rin. Inuna mo pa akong punasan ng pawis kaysa sa sarili mo,” sabi pa nito habang pinupunasan nito ang noo niya.

Kinikilig na napangiti siya. “Okay lang naman ako, eh.” Idinikit niya ang sarili rito dahil magkasukob sila sa iisang payong. Hindi kalakihan ang dala nitong payong at kung hindi sila magdidikit ay hindi sila magkakasya roon. Naunawaan marahil iyon ni Ryan kung kaya napilitan itong akbayan siya at kabigin palapit dito. Muli ay nag-tumbling ang puso niya habang pinupuno ang kanyang baga ng napakabangong amoy nito. Ilang buwan lang ang tanda nito sa kanya pero kung mag-isip ito ay para na itong matanda. Nakikita na niya na magiging responsable itong lalaki sa hinaharap. At sigurado siyang magiging maganda ang future nila kapag sila ang nagkatuluyan.

Mayamaya ay narating na rin nila ni Ryan ang isa sa mga kamag-anak nito sa subdivision na iyon.

“Ito na ba ang girlfriend mo, hijo? Aba! `Kagandang bata,” puri agad sa kanya ng Tita Bettina ni Ryan pagkatapos silang papasukin sa loob ng bahay nito.

“Naku, Ma’am, thank you po. Kayo rin po, ang ganda-ganda po ninyo,” ganting-puri niya rito. At hindi siya nagsisinungaling, totoong maganda ang tiyahin ni Ryan.

“Don’t call me ‘Ma’am.’ ‘Tita’ na lang din, since girlfriend ka naman nitong pamangkin ko.”

Nag-init ang magkabilang pisngi niya sa sinabing iyon sa kanya ni Tita Bettina.

“Wala pa po akong girlfriend, Tita,” pagtatama ni Ryan sa maling akala ng tiyahin nito. Lihim siyang napangiwi. Wala siyang balak na itama ang maling akala ng tiyahin nito, because she really liked the idea. Pero si Ryan ay walang balak na palagpasin iyon.

“Ah, hindi mo pa siya girlfriend,” nakangiting saad ni Tita Bettina pagkatapos ay bumaling uli ito sa kanya. “Kailan mo ba sasagutin itong pamangkin ko?”

“Eh, kailangan pa po niyang dumaan sa maraming pagsubok, Tita. Hindi naman po kasi ganoon kadaling masungkit ang kagandahan ko,” nakangiting tugon niya rito.

Pinukol siya ng masamang tingin ni Ryan pero hindi niya iyon pinansin. Nag-e-enjoy kasi siyang sakyan ang maling-akala ng tiyahin nito. Kahit nga pakiramdam niya ay ang kapal-kapal ng mukha niya para hayaang isipin ni Tita Bettina na nililigawan siya ni Ryan.

Narinig niyang tumawa ang ginang. “I like you, hija,” nakangiting sabi nito sa kanya.

“Tita, nandito nga po pala kami para magbenta ng ticket namin para sa Mister and Miss Campus,” ani Ryan.

“Kami po kasi ang representative ng klase namin. Kaya para hindi naman mapahiya ang section namin, nagtulungan na lang po kaming magbenta ng mga ticket namin,” segunda niya.

“Totoo? Teka, may sponsor na ba kayo para sa mga susuotin ninyo? Puwede akong mag-volunteer,” ani Tita Bettina.

Natuwa sila ni Ryan sa sinabing iyon ni Tita Bettina at masaya nilang tinanggap ang tulong nito.

Coronation night

“YOUR picture doesn’t do you justice.”

Handa nang batuhin ni Jennifer si Ryan na nasa likuran niya dahil sa sinabi nitong iyon. Napakaganda nga ng kuha niya sa larawang iyon na pinagmamasdan niya pero sinabi nito na hindi raw iyon tumutugma sa kanya. Ibig sabihin ba niyon ay hindi siya maganda? Pero naudlot ang akma sana niyang gagawin dito nang matunghayan niya na tila isa itong prinsipe sa suot nitong tuxedo.

She was caught off guard when she looked at this drop-dead gorgeous guy who was in front of her. Even his smile was perfect.

She cleared her throat and smiled at him. “Ang guwapo mo naman!” hindi napigilang komento niya rito.

“Matagal na.”

“Ako? Hindi mo ba ako bobolahin?” aniyang hindi inaalis ang masuyong tingin dito.

“Hindi ako marunong mambola, eh.” Parang natatawa ito nang manghaba ang nguso niya sa pagsimangot. “Mas maganda ka kapag nakangiti.”

“`Akala ko ba hindi ka marunong mambola?” kapagkuwan ay tanong niya.

“Hindi nga.”

“Eh, bakit mo sinabi na mas maganda ako kung nakangiti ako. Hindi pa ba pambobola iyon?”

“Totoo `yon.”

Noon napangiti si Jennifer. Kahit alam niyang matamis na pambobola lamang iyon ni Ryan ay pinaniwalaan na rin niya. Magsasalita pa sana siya nang biglang dumaan sa harap nila ni Ryan ang mga nagtitiliang babae. Maghahagilap sana siya ng puwedeng tanungin kung ano ang nangyayari nang makita niyang nagtititili rin ang luka-luka niyang kaibigan na si Azinnett. Nauunawaan na niya kung ano ang nagaganap. Takaw-atensiyon naman talaga ang kaguwapuhan ni Sean.

“Wala ka bang balak na makigulo sa mga `yon?” nagtatakang pukaw ni Ryan sa pananahimik niya.

“Bakit naman ako makikigulo sa kanila?” Eh, nandito ka na. Nandito na sa harap ko ang aking prinsipe. “Masisira lang ang ganda ko, `no. Kokoronahan pa ako mamaya para sa second place,” sagot niya rito.

“Kahit kailan talaga…” Ngumiti na lamang ito at inayos naman niya ang nagulo niyang bangs. Wala na yata itong balak ituloy ang sinasabi nito.

“Kahit kailan ano?” udyok niya rito para ituloy nito ang sinasabi.

“Wala. Akin na lang `yon.”

“Nagagandahan ka sa akin, ano?”

Hindi ito umimik at tinitigan lang siya. Hindi niya alam kung ano ang nangyari sa kanya. Nang mga sandali kasing iyon ay tila nagulumihanan siya sa sarili. Nakadama siya ng pagkailang sa pagkakatitig ni Ryan sa mukha niya. Iniwas niya ang tingin palayo rito. Narinig niya ang pagtawa nito.

“Ikaw ang naguguwapuhan sa akin,” panunudyo nito.

“Hindi ko naman itinatanggi.” Pilit niyang ipinarating dito ang lahat sa himig nagbibiro upang kahit paano ay matabunan ang transparency ng damdamin niya para dito. Nag-uumapaw na kasi ang nadarama niyang paghanga rito.

“Why, you’re…” Hinaplos ng isang kamay nito ang pisngi niya. “…blushing?”

“Huh?” Hinawakan niya ang pisnging hinaplos nito. Mainit nga iyon. Nagba-blush siya? Patay na! “Ahm… Mainit kasi kaya ganito.”

Ang linaw naman ng mga mata niya. Kahit gabi, nakikita pa rin niya ang pamumula ko.

“Funny but this is the first time I’ve ever seen you blush, even though we’ve known each other for a long time. And you know what… it’s cute.”

Lalong nag-init ang mukha niya sa sinabi nito. “I’m not cute, I’m gorgeous,” aniya.

“You’re cute.”

She sighed. “All right,” pagbibigay na lamang niya, huwag na lang humaba pa ang usapan. Hindi raw siya maganda, at cute lang siya sa paningin nito.

Pinisil nito ang pisngi niya. “And you’re blushing.”

“No, I am not.”

“Yes, you are.”

Bigla siyang natawa. Wala naman kasing sense ang pinagtatalunan nila. Pero hayun siya at enjoy na enjoy sa pakikipag-usap dito. Malala na talaga ang saltik niya.

Nagkulitan na lamang sila ni Ryan hanggang sa magsimula ang coronation. Pareho nilang nakuha ang Mister and Miss Photogenic title. At hindi na naghintay pa si Azinnett na ibato nila rito ang papuri sa ginawa nitong pagkuha ng mga larawan nila na nakabandera sa paaralan nila dahil ito na mismo ang nagpangalandakan sa lahat ng tungkol doon.

Nakakuha agad ito ng magagandang feedbacks, lalo na sa mga judge na hangang-hanga sa angking galing nito sa paghawak ng camera.

Pagkatapos ng napakalaking event na iyon sa paaralan nila ay back to square one na uli sila ni Ryan. Hindi na naman siya nito gaanong pinapansin. Naisip nga niya na kaya lang ito napipilitang makipaglapit sa kanya dati ay dahil lamang sa mga event na kailangan nilang magsanib-puwersa.

Download the app now to receive the reward
Scan the QR code to download Hinovel App.